18 Rehiyon at 681 Munisipalidad sa bansa, inalerto sa posibleng pagbaha at landslide dahil sa bagyong Ineng

by Radyo La Verdad | August 19, 2015 (Wednesday) | 1794

NDRRMC
Nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council na huwag maging kampante sa maaring maging epekto ng bagyong Ineng at habagat.

Ito ay dahil hindi pa nararamdaman ang epekto nito sang-ayon subalit sa mga susunod na araw hanggang sa weekend ay maaari nang maramdaman ito.

Pinagmamatiyag at inaalerto na rin ng NDRRMC hindi lang ang mga residente sa dulong Hilaga ng Luzon kundi maging ang mga taga-Kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.

Malakas ang bagyo at pinaiigting pa nito ang habagat.

Magdudulot ito ng maraming ulan at malakas na pagbugso ng hangin na maaaring magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Sa pagtaya ng Pagasa posibleng maapektuhan ng bagyong Ineng ang 18 rehiyon at 681 munisipalidad sa bansa.

Naka-red alert status na rin ang NDRRMC Operations Center simula kaninang ala-12 ng tanghali.

Ibig sabihin, kinakailangang nakaantabay, may constant monitoring at full alert ang mga personnel ng Office of the Civil Defense, Pagasa, Department of Social Welfare and Development, Department of Health, ganun din ang Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard at Philippine National Police sa pagresponde kung kinakailangan.

Tuloy-tuloy din ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng NDRRMC sa mga lokal na pamahalaan kaugnay ng mga paghahanda sa kalamidad.

Pinayuhan din ng NDRRMC ang mga magbibiyahe sa mga maapektuhang lugar na maging mapagmatiyag at magplanong mabuti.( Rosalie Coz/ UNTV News)

Tags: , , ,