Petisyong para sa pagbibigay ng voter’s receipt, inihain sa Korte Suprema

by Radyo La Verdad | February 23, 2016 (Tuesday) | 3925

RICHARD-GORDON
Tungkulin ng Commission on Elections o COMELEC na tiyaking mabibilang ng tama ang lahat ng boto ng mga botante sa paparating na May 9 national elections gamit ang automated election system.

At upang matiyak ito, nais ni dating Senador Richard Gordon na i-activate ng COMELEC voter verification paper audit trail feature ng vote counting machines.

Ito ay upang magkaroon ng patunay ang mga botante na nabilang ng tama ang kanyang boto.

Nakasaad sa Republic Act No. 9369, ang batas na nag-amyenda sa Republic Act No. 8436, o ang automated election system law, na isa sa minimum system capabilities ng automated election system ay ang pagkakaroon ng voter verified paper audit trail.

Bunsod nito, naghain ng petition for mandamus si Gordon sa Korte Suprema upang atasan ang COMELEC na ipatupad ang nasabing feature, sangayon sa batas upang masiguro ang integridad sa paparating na halalan.

Sa usapin naman na maaaring magamit ang voter’s receipt sa vote buying, sinabi ni Gordon na kakaunti lang ang nairereklamo at wala pa ngang naparusahan na pulitikong bumili ng boto sa kasaysayan ng halalan sa bansa.

Dagdag pa nito, ang voter’s receipt din ang maaaring maging ebidensya mismo laban sa vote buying.

Ani Gordon, hindi naman kinakailangang magastos ang resibo ,
mahalaga lang aniya na nakalagay rito ang pangalan ng mga binoto, ang oras, at ang petsa kung kailan bumoto.

Ayon naman sa COMELEC, hihintayin nito ang magiging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa petisyon at binigyang-diin na pinag-aralang mabuti ng komisyon ang desisyong huwag ipatupad ang voter verified. paper audit trail.

(Rosalie Coz/UNTV News)

Tags: , ,