Pagpapabakuna kontra dengue sa grade 4 students sa mga pampublikong paaralan sa Abril, optional ayon sa DepEd

by Radyo La Verdad | February 16, 2016 (Tuesday) | 2427

DENGUE-VACCINE
Sa darating na Abril, uumpisahan na ng Department of Health ang libreng pagbabakuna kontra dengue sa mga grade 4 student, sa mga pampublikong eskwelahan sa National Capital Region, Central Luzon at Calabarzon Region.

Tinatayang aabot sa mahigit isang milyong estudyante ang target na mabigyan ng dengue vaccine, o katumbas ng mahigit sa anim na libo at dalawang daan na mga eskwelahan.

At dahil matataon ito ng bakasyon, ngayon pa lamang ay nagsasagawa na ng information dissemination ang DepEd sa mga eskwelahan sa mga nabanggit na lugar.

Sa kasalukuyan ay inaasikaso na ng DepEd ang masterlist ng mga estudyanteng bibigyan ng bakuna.

Habang, uumpisahan na rin ng Department of Health ang orientation sa mga health workers na siyang mangangasiwa ng pagbabakuna sa mga bata.

Paliwanag ng DOH, sisimulan ang vaccination program ngayong Abril, upang pagsapit ng pasukan sa Hunyo ay may immunization na ang mga magaaral laban sa dengue.

Sa pagaaral ng DOH, tuwing buwan ng Hunyo ay mataas ang insidente ng dengue, dahil sa panahon ring ito nagsisimula ang tagulan.

Bawat estudyante ay bibigyan ng tatlong shots ng dengvaxia o ang dengue vaccine.

Ang unang bakuna ay gagawin ngayong Abril, habang ang pangalawa ay ibibigay sa Setyembre at pang-huling ay sa March 2017.

Ayon sa DOH, importante na makumpleto ang tatlong dosage ng bakuna, upang masiguro ng hindi na made-dengue ang bata.
Nilinaw naman ng DepEd na hindi sapilitan ang nasabing pagpapabakuna, kung saan kinakailangan pa rin nila ang consent ng mga magulang.

Pabor naman sa proyektong ito ang mga magulang, at sinabing malaking tulong ito,lalo na sa mga mahihirap.

Umaasa ang ahensya na makikipagtulungan sa proyektong ito ang magulang ng mga bata, upang maabot ang kabuoang bilang ng mga estudyanteng kinakailangang mabukanan.

(Joan Nano/UNTV News)

Tags: ,