16-wheeler truck, tumagilid sa bahagi ng NLEX sa Balintawak, Quezon City

by Radyo La Verdad | December 13, 2018 (Thursday) | 92098

Humambalang ang isang 16-wheeled trailer truck na tumagilid sa bahagi ng North Luzon Expressway sa Balintawak, Quezon City bandang alas singko ng umaga kanina. Sakay nito ang driver na si Stephen Morones alyas Tonton, 30 anyos at ang pahinante nito na si Fernando Santillan.

Una itong sumalpok sa concrete separator at bahagi ng poste ng road sign hanggang sa tuluyan itong tumagilid sa dalawang lane ng NLEX. Walang laman ang trailer truck na naghahakot ng mga plastic bottle scraps sa North Harbor mula sa Valenzuela City.

Ayon sa driver ng truck, nakaramdam na ito ng antok hanggang sa nakatulog ito habang nagmamaneho. Nagtamo ng sugat sa paa at pananakit sa baywang ang pahinante ng truck habang iniinda ng driver ang hirap sa paglalakad. Wala namang ibang nadamay sa insidente.

Bahagyang nasira ang concrete separator at natanggal ang bahagi ng poste ng road sign ng NLEX kung saan bumangga ang truck.

Dalawang lane ng NLEX-Northbound lang ang maaaring daanan kaya’t nagdulot ito ng mabigat na trapiko sa NLEX at northbound ng EDSA.

Agad na nagsagawa ng clearing operation ang NLEX traffic control upang matanggal ang tumagilid na truck sa pamamagitan ng isang lifter. Dadalhin ang truck sa impounding area ng NLEX sa Pulilan exit.

Mahaharap ang driver sa kasong reckless driving resulting to damage to property.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,