Kumprehensibong gabay sa paggamit ng hoverboards, nakatakdang ilabas ng DTI at DOH

by Radyo La Verdad | January 8, 2016 (Friday) | 1716

HOVERBOARDS
Muling maglalabas ang Department of Trade and Industry at Department of Health ng joint advisory hinggil sa maayos at mas ligtas na regulasyon sa paggamit ng hoverboards.

Ito’y matapos na maging kontrobersyal ito dahil sa isyu ng safety standards.

Ang hoverboard ay isang uri ng self-balancing na laruan na may dalawang gulong at ginagamitan ng lithium-ion battery.

Nagkakahalaga ito ng mula 15 thousand hanggang twenty-two thousand pesos.

Kamakailan lamang ay nagsagawa ng pagpupulong ang DTI at DOH kasama ang ilan pang mga eksperto na nakaalam sa aspetong teknikal ng hoverboards at tinakalayang safety issues nito.

Inanunsyo kahapon ni DTI Undersecretary Vic Dimaguiba na nakatakda silang mag-isyu ng kumprehensibong gabay o comprehensive guidelines para sa ligtas na paggamit ng naturang laruan.

Nakapaloob sa guidelines, ang pag-obliga ng pagsusuot ng knee pad, elbow pad at maging bike helmet para sa kaligtasan ng gagamit nito.

Bukod pa rito, ipinagutos rin ng DIT at DOH sa mga hoverboard trader ang paglalagay ng mas maayos na labeling para mas mauunawaan ito ng mga mamimili.

Noong nakaraang buwan lamang ay nagisyu ang DTI at DOH ng joint advisory na nagbababala sa mga magulang na huwag bilhan ang kanilang mga anak ng hoverboards, kung ito ay nasa labing-apat na taong gulang pababa.

Kaugnay ito ng mga nauna ng napabalita sa ibang bansa na ni-recall ang mga hoverboard dahil sa mga naganap na aksidente.

Target na matapos ng DTI at DOH ang comprehensive guidelines sa mga susunod na linggo.

(Joan Nano/UNTV News)

Tags: , , ,