14 na senador, lumagda sa resolusyon upang magpatalsik ng impeachable official

by Radyo La Verdad | May 18, 2018 (Friday) | 2236

Labing-apat na senador ang lumagda sa inihaing Resolution No. 738 sa Senado kahapon upang himukin ang Korte Suprema na muling pag-aralan ang desisyon kaugnay sa pagpapatalsik kay dating chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Kabilang sa mga lumagda sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senate Pro Tempore Ralph Recto, Senator Bam Aquino, Senator Risa Hontiveros, Senator Francis Pangilinan, Senator Leila De Lima at Senator Antonio Trillanes.

Kasama rin sa mga pumirma ang ilang miyembro ng majority bloc na sina Senator Francis Escudero, Senator Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva, Sonny Angara, Grace Poe at Loren Legarda. Maging Senate President Koko Pimentel ay nagpakita rin ng suporta sa inihaing resolusyon.

Muling iginiit ng mga senador sa Korte Suprema ang kanilang kapangyarihan at karapatan na humatol sa isang impeachable official gaya ng chief justice.

Samantala, bagaman suportado ng mayorya ng mga mambabatas ang resolusyon, hindi naman sang-ayon si Senator Gringo Honasan sa naturang hakbang.

Para kay Honasan, hindi pa tapos ang proseso ng impeachment sa Kamara kung  kaya’t hindi pa dapat manghimasok dito ang Senado.

Bukod kay Honasan, hindi rin lumagda sa resolusyon sina Senate Majority Leader Tito Sotto III, Senator Nancy Binay, Senator Panfilo Lacson, Manny Pacquiao, Senator Cynthia Villar, Richard Gordon at Juan Miguel Zubiri.

Samantala, hindi naman makikialam ang Malacañang sa resolusyong ihahain ng mga senador para kwestyunin ang desisyon ng Korte Suprema laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Mayorya na ng Senado ang nakapirma dito sa resolusyon at ayon kay Senator Drilon, pwede itong magamit ni Sereno sa kanyang motion for reconsideration bilang apela sa pagpapatalsik sa kanya ng Korte Suprema.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,