Total ban ng paggamit ng paputok sa mga menor de edad ipinanawagan ng ilang environmental group

by Radyo La Verdad | December 10, 2015 (Thursday) | 4430

PAPUTOK
Noong nakaraang taon nakapagtala ang Department of Health ng kabuoang walong daan at animnapung kaso ng mga biktima ng paputok.

Tatlumput-apat na porsiyento ng mga naputukan ay sampung taong gulang pababa.

Bunsod nito,ipinanawagan ng Ecowaste Coalition ang mahigpit na pagbabawal o total ban sa mga menor de edad na gumamit ng paputok.

Layon nito na lalo pang mapababa ang bilang ng mga nabibiktima ng paputok taun-taon.

Kaugnay nito, hiniling rin ng grupo ang mas pinaigting na inspeksyon ng mga otoridad sa iba’t-ibang pamilihan lalo na ang pagbebenta ng piccolo.

Bukod sa mga aksidente, kabilang rin sa masamang epekto ng paputok ang pagtaas ng pollution index at ang maraming basura sa kapaligiran.

Muli naman umapela ang Department of Health ng kooperasyon sa publiko na tulungan ang pamahalaan upang mahuli ang mga iligal na nagbebenta ng mga paputok sa merkado.

Ayon sa DOH, sa kasalukuyan ay nakabinbin pa rin sa kongreso ang panukalang batas na magbabawal sa pagbebenta ng mga paputok, ngunit umaasa ang kagawaran na bago pa man matapos ang taon ay maipapasa na ito ng mga mababatas. (Joan Nano/UNTV News)

Tags: , ,