Tiwala ang hukbong sandatahang lakas ng Pilipinas na hindi makakakuha ng suporta ang teroristang grupong ISIS sa mga local terrorist at bandits.
Sa panayam ng programang Get it Straight with Daniel Razon, ipinahayag ng tagapagsalita ng AFP na si Col. Restituto Padilla Jr. na hindi sinusuportahan ng karamihan sa mga pilipinong muslim ang idelohiyang isinusulong ng ISIS.
Samantala, mas pinaigting pa ng AFP ang pagtugis sa mga local terrorist na Abu Sayyaf Group.
Ito ay matapos na direktang bigyan ng order ni Pangulong Benigno Aquino the third kamakailan ang AFP at Philippine National Police na tugisin ang bandidong grupo at sagipin ang mga dinukot nito.
Ayon kay Col. Padilla, personal na inihatid ni AFP Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri ang bilin ng pangulo sa mga tropa ng militar sa Western at Mindanao Command.
Sa ngayon, hindi pa batid ng AFP ang detalye sa partikular na gagawing operasyon ng mga tropa ng militar sa Basilan at Sulu.
Nanawagan naman ang AFP sa publiko na gawin ang security responsibility ng bawat mamamayan.
Lalo na at nakaamba ang lumalalang banta ng terorismo sa Paris at mga karatig bansa nito bagaman wala aniyang seryosong banta ng terorismo sa Pilipinas.
Ani Col. Padilla, hindi man sapat ang bilang ng mga tauhan ng militar at pulisya, kung mananatiling alerto at nakikiisa ang bawat isa, mapapanatili ang kapayapaan at seguridad sa bansa. (Rosalie Coz/UNTV News)
Tags: AFP Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri, Col. Restituto Padilla Jr, ISIS