Bagong emir ng ISIS sa Southeast Asia, hinahanap na ng militar

by Radyo La Verdad | November 6, 2017 (Monday) | 9200

Kinumpirma ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na may bago ng emir ang ISIS sa South East Asia. Ang impormasyon ay galing mismo umano sa nahuling Indonesian fighter na si Mohammad Ilham Syahputra.

Pero ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, walang dapat na ikabahala ang publiko kahit hindi pa nahuhuli ng militar ang sinasabing pumalit kay Isnilon Hapilon na si Amin Baco, isang Malaysian National.

Aniya, hindi kasing lakas ni Hapilon si Baco dahil ngayon lamang din lumutang ang pangalan nito. Hindi rin aniya kaya ni Baco ang kakayahan ni Hapilon na maghakot ng mga tauhan.

Sinabi pa nito na sinusuyod na ng militar ang bawat sulok ng Marawi at mga kalapit lugar upang matagpuan at mahuli si Baco. Si Baco, ay pinangalanan bilang bagong emir ng ISIS sa Southeast Asia ng nahuling Indonesian terrorist sa Marawi na si Muhammad Ilham Syahputra.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,