10 anyos na estudyante sa Maynila, kumpirmadong nasawi sa sakit na Diphtheria

by Erika Endraca | September 27, 2019 (Friday) | 31361

MANILA, Philippines – Kumpirmadong nasawi dahil sa sakit na Diphtheria ang isang 10-taong gulang na bata sa Pandacan Maynila.

Batay sa impormasyon mula sa Manila Health District,  September 17, 2019 pa ng makaranas ng lagnat, pamamaga ng lalamunan at hirap sa paghinga ang batang kinilala sa pangalang Stephanie Tobias.

Matapos ang 3-araw ay saka ito isinugod sa ospital at namatay sa araw ding iyon. Hindi umano kumpleto sa bakuna ang biktima.

“The results came in today and positive iyong results. The case was really a case of Diphtheria but fortunately naman when the case was reported to our regional iyong regional office natin nagpunta na nagrespond na doon sa site naglinis na sa lugar and they traced all of the contact mga family members iyong mga neighbors na malalapit at nag distribute n rin ng antibiotics.” ani DOH Spokesperson, Undersecretary Eric Domingo.

Ayon sa DOH ang Diphtheria ay isang bacteria na ma-aaring magamot at mapigilan sa pamamagitan ng antibiotics. Ilan sa mga sintomas nito ay lagnat, pamamaga ng lalamunan at maaaring lumala kapag nakaranas ng hirap sa paghinga na nagiging sanhi ng pagkamatay ng pasyente.

Ngunit hindi pangkaraniwan ang sakit na Diphtheria at hindi lahat ng nakararanas ng ganitong sintomas ay dapat mabahala kaya’t ayon sa DOH mas maigi pa rin ang magpakonsulta sa mga ispesyalista. Samantala, Maaari naman itong maiwasan sa pamamagitan ng Diphtheria Perthusis Tetanus na ibinibigay sa mga sanggol mula 6, 10 at 14 na Linggo.

Sakaling magkaroon ng positibong kaso sa isang komunidad mahalagang maging kalmadoat ipaalam sa local health center na siyang magbibigay ng antibiotics sa mga nakasalamuha ng pasyente.

(Mai Bermudez | UNTV News)

Tags: ,