$1.25B na halaga ng investment, iuuwi ng Philippine deligates mula sa mga Indian Investor

by Radyo La Verdad | January 26, 2018 (Friday) | 1851

Dagdag na trabaho at bilyong dolyar na investment ang ipapasalubong ng deligado ng Pilipinas sa pangunguna ng Pangulong Rodrigo Duterte pag-uwi nito sa bansa.

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, mag-uuwi ang delegasyon ng Pilipinas ng $1.250B na investment mula sa mga Indian Company. Magbibigay aniya ito ng mahigit sa 105 libong bagong trabaho.

Nangako na aniya ang pamumuhunan ng pinakalamalaking kumpanya ng renewable energy sa India at maghahanap na sila ng mga lugar sa Pilipinas na maaaring pagtayuan ng wind at solar energy. Ang isang Indian Company nga aniya ay nanalo sa kontrata para sa konstruksyon ng airport sa Clark at Cebu.

Nais din ng Pangulo na palakasin pa ang kalakalan sa murang gamot upang madaling makabili ang mga Pilipino. Ang India ang pinakamalaking exporter ng gamot sa Estados Unidos at European Union.

Ayon kay Lopez, nasa 50-90% na mas mababa ang branded na gamot na mabibili sa India kumpara sa ibang bansa gaya ng anti-hypertensive, lodipin, anti-cholesterol, atorvastatin, anti-bacterial, anti-cancer.

Sa mga naunang pagpupulong aniya ng Pangulo ay nais nito na magkaroon ng pagawaan ng gamot ang India sa Pilipinas o kaya’t gawin itong sentro na maaaring i-export sa ibang bansa.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,