‘Zero billing’ policy sa lahat ng lubhang naapektuhan ng water service interruptions, hiniling sa MWSS

by Radyo La Verdad | July 15, 2019 (Monday) | 7537

“Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo!” Ito ang sigaw ng grupong Gabriela bilang protesta sa perwisyong naidulot ng sunod-sunod na water service interruptions sa mga konsyumer ng Maynilad at Manila Water sa Metro Manila.

Maraming lugar pa rin ang patuloy na nakararanas ng water interruptions ngayong araw dahil sa patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa angat dam.

Ayon sa grupo, dapat nang magpatupad ang Metropolitan Manila Waterworks and Sewerage System o MWSS ng ‘zero billing’ policy sa lahat ng mga lubhang naapektuhan ng kawalan ng tubig sa Metro Manila.

Para kay dating Gabriela Rep. Emmi de Jesus, nararapat lamang na huwag nang pagbayarin ang mga konsyumer dahil sa palpak na serbisyo ng dalawang private concessionaires.

“Sa kanilang rule, ang daming kutsi-kutsi, ang daming rekisitos para ka maka-reimburse o para hindi ka masingil at ang ibabalik sa’yo ay hindi pa nga sapat doon sa pinambili mo ng palanggana, mga batsa. At hinahamon namin ‘yung mga panginoon diyan sa loob. Tumira kaya sila doon sa community na ang lumalabas ay mala-putik na tubig.” Ani Ex-Rep. Emmi de Jesus, Gabriela Women’s Party.

Ayon naman kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, kanilang pag-aaralan ang hiling ng grupo.

Bukod sa kawalan ng tubig, inirereklamo rin ng grupo ang maruming tubig na lumalabas sa mga gripo.

 “Ako, bilang nanay, parang ang inaalala ko lang, baka magkaroon ito ng hindi magandang epekto para sa amin lalo na sa mga bata.” Ani Fe Ramirez, Member, Gabriela Women’s Party.

Ngunit paglilinaw ng Maynilad, normal lamang ang nararanasan ng ilan na maruming tubig pagkatapos ng water service interruption dahil sa mineral deposits na sumasama sa tubig.

 “Let the water flow out until it clears because it will clear out eventually. Pero they can also use a clean cloth para masala ‘yung tubig na lumalabas sa gripo.” Ani Jennifer Rufo, Head, Corporate Communications, Maynilad Water Services Inc.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang rotational water service interruptions ng dalawang water concessionaires para mapagkasya ang suplay ng tubig sa mga customer nito.

Kumukuha na rin ang manila water ng supply sa cardona water treatment plant nito sa Rizal maging sa mga deep well na pinayagang buksan ng national water resources board hanggang oktubre ngayong taon.

Ipinagbabawal na kasi ng nwrb ang pagtatayo ng mga bagong deepwell sa metro manila at maaari na lamang buksan ang mga ipinasara nito bilang ‘back-up’ sa mga commercial water supply.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , , , , ,