Pumalo na 70.00 kada kilo ang presyo ng commercial rice sa ilang barangay sa Zamboanga City base sa ginawang price monitoring ng City Agriculturist Office, kasama na rito ang barangay ng Manalipa at Pamucutan, samantalang sa ilang distrito naman ay hindi bababa sa 60 piso kada kilo na ang presyo dahil umano sa kakulangangan ng suplay ng bigas.
Bunsod nito, inirekomenda ng Zamboanga City officials na isailalim sa state of calamity ang lungsod kasunod ng nararanasang rice shortage.
Ayon kay Mayor Isabelle Climaco-Salazar, sa pamamagitan nito ay magamit ang calamity fund ng lungsod na aabot sa 15 milyong piso para makabili ng bigas.
Nangangailangan ng buffer stock na aabot sa 180, 000 sako ng bigas ang lungsod sa loob ng tatlong buwan, ngunit aabot lamang sa 40,000 sako ang stock nito ngayong buwan mula sa unang shipment ng NFA rice. Ito ay katumbas lamang ng limang araw na daily consumption ng lungsod.
Kabilang sa nakitang dahilan ng kakulangan ng suplay ng bigas sa lungsod ay ang pagkaka-divert ng suplay para sa Zamboanga sa ibang lugar tulad ng Sulu.
Kaugnay nito, pinamomonitor rin ng lokal na pamahalaan sa mga otoridad kung may nangyayaring rice hoarding sa lugar.
Gumawa na rin ng resolusyon ang Local Price Monitoring Council para sa price ceiling na 46 piso. Naisumite na ito sa tanggapan ng Pangulo at hinihintay na lamang ang approval nito.
( Dante Amento / UNTV Correspondent )
Tags: NFA rice, state of calamity, ZAMBOANGA