Wish 107.5, mayroon nang 1 milyong youtube subscribers

by Radyo La Verdad | March 14, 2017 (Tuesday) | 4951

Sa loob lang ng mahigit dalawang taon mula ng ilunsad ang natatanging FM station sa bansa noong Hulyo ng taong 2014, umabot na sa isang milyon ang youtube subscribers ng naturang istasyon, ang Wish 107.5.

Usap-usapan din ng mga netizens ang mga wishclusive video na gabi-gabing inaabangan ng mga wishers.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang mahigit limang daang video ang naturang youtube channel na nagkakaroon ng milyon-milyong views.

Ayon sa ulat ng socialblade.com, nakuha ng Wish 107.5 ang ikawalong pwesto ng may pinakamaraming youtube followers sa Pilipinas.

Umaabot sa 5,000 hanggang 7,000 ang nadadagdag na followers ng Wish 107.5 YouTube channel sa loob lang ng isang araw, at ayon din sa ulat ng YouTube PH, isa ito sa fastest-growing channel sa bansa na lumago ng nasa 236% sa loob lang ng 2016.

Hindi lang sa Pilipinas pinag-uusapan ang Wish 107.5 kundi maging sa mga bansa gaya ng USA, Canada, New Zealand at Brazil ay marami ring mga subscriber ang Wish. Ayon nga sa istasyon, sila ang magsisilbing “WISHclusive gateway to the world” ng mga local talent sa bansa.

Habang patuloy na umaarangkada sa pagtakbo ang Wish 107.5, ipinapangako nila na patuloy nilang mas pagagandahin at ipagpapatuloy ang nasimulang adhikain ng pagpapakita ng talentong pinoy sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Ipinahahatid din nila ang kanilang isang milyong pasasalamat sa isang milyong subscribers!

(John Lester Villegas/Radyo la Verdad Student Reporter)

Tags: , ,