MANILA, Philippines – Inanunsyo Kahapon (September 19) ng Department of Health (DOH) na may isang tatlong taong gulang na batang babae sa Lanao Del Sur na kumpirmadong may sakit na Polio.
Nadiskubre rin sa kanilang Regular Environmental Surveillance na may Poliovirus sa mga sample na kinuha sa sewage sa Maynila, at sa daluyan ng tubig sa Davao.
Ang Poliovirus ang nagdudulot ng sakit na Polio. Ito ay ma-aaring maging sanhi ng pagkalumpo, hirap sa paghinga, o pagkamatay.
Matatandaan noong 1993 nang huling magtala ng kaso ng Wild Poliovirus sa Pilipinas, ayon sa World Health Organization (WHO).
Ayon kay Dr Rabindra Abeya-Singhe, ang WHO representative sa Pilipinas sila ay nababahala na may kumakalat na Polioviruses sa Maynila, Davao at Lanao Del Sur.
Nakikipagtulungan na rin sila at ang UNICEF sa Health Department ng bansa upang palakasin pa ang pagmo-monitor sa sakit, at para sa mabilis na pagtugon sa outbreak.
Samantala, kanilang pinapayuhan ang mga magulang at mga tagapag-alaga ng mga batang wala pang 5-taong gulang na pabakunahan ang mga ito upang maging ligtas sa Polio.
(Ninya Armillo | UNTV News)