Pag-ibig, pag-asa at pananampalataya, ito ang naging tema ng pagdiriwang ng ikatatlumpu’t walong anibersaryo ng tinaguriang longest running religious program sa Pilipinas, ang programang Ang Dating Daan.
At sa pagtatapos ng weeklong celebration noong nakarang Biyernes, tuloy-tuloy pa rin ang mga public service na handog ng Members Church of God International (MCGI) sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Mula sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas at Asya hanggang sa mga bansa sa Europa, Africa at hanggang sa malayong kontinente ng North at South America ay nakatanggap ng tulong ang mga kapwa tao nating nangangailangan.
Clean up drive, medical mission, feeding program, wish granting at gift giving ang ilan lamang sa mga handog na serbisyo publiko ng MCGI. Tampok rin sa selebrasyon ang naging Guiness World Record title holder ng largest gospel choir, ang Ang Dating Daan Chorale.
Halos hindi mahulugang karayom ang buong ADD Convention Center dahil sa dami ng mga mang-aawit na nakiisa sa culmination ng 38th Anniversary Celebration ng programang Ang Dating Daan.
Maging ang labas ng convention center, napuno ng mga choir members na nagpupuri sa Dios. Mapa bata o matanda, hindi hadlang sa mga mang-aawit ang ipaglingkod ang kanilang buhay at lakas upang umawit ng papuri sa Dios.
Kasabay ng mga inihandog na praise songs, sumabay rin sa aliw ng mga awiting papuri ang makulay at magandang fountain sa loob ng ADD Convention Center.
Bago matapos ang selebrasyon, nagkaroon ng pagkakataon na makapagsalita ang ikalawang lingkod pangkalahatan ng MCGI na si Bro. Daniel Razon at ang host ng programang Ang Dating Daan na si Bro. Eli Soriano.
Ang programang Ang Dating Daan ay nagsimula noong taong 1980 sa radyo at taong 1983 naman sa telebisyon.
Marami nang pagsubok at nagnanais pigilan ang pagsasahimpapawid ng programa subalit nanatili itong matatag hanggang ngayon na mapapakinggan sa iba’t-ibang panig ng mundo at sa maraming lenguahe.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: 38th Anniversary, Ang Dating Daan, MCGI