‘War on drugs’, pinadedeklarang unconstitutional ng grupo ng human rights lawyers

by Radyo La Verdad | October 12, 2017 (Thursday) | 1753

Nais ng isang grupo ng mga human rights lawyer na matigil na ang extra judicial killings sa ilalim ng tinaguriang “war on drugs” ng administrasyong Duterte.

Sa kanilang petisyon sa Korte Suprema, hiniling ng free legal assistance group na ideklarang unconstitutional ang kampanya kontra droga ng pamahalaan.

Ayon sa grupo, labag sa saligang-batas ang PNP Command Memorandum Circular 16-2016 na nagtatakda ng mga panuntunan ng project double barrel at ng oplan tokhang. Kaya’t hiling nila sa korte, ipatigil ang pagpapatupad nito.

Hindi rin umano pwedeng pagbatayan ng PNP ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong eleksyon na tatapusin niya ang problema sa iligal na droga sa loob ng anim na buwan.

Hanggang ngayon kasi wala pang inilalabas na kautusan si Duterte kaugnay ng kampanya kontra droga.

Nais din ng grupo na ipatigil ang hiwalay na kautusan ng DILG para sa paglalagay ng mga drop box sa mga barangay kung saan maaaring ihulog ang pangalan ng mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga. Nilalabag anila nito ang karapatan sa due process at presumption of innocence.

Hindi anila ito simpleng pagre-report lamang ng krimen gaya ng sinasabi ng PNP. Respondent sa petisyon sina PNP Chief General Bato Dela Rosa at incoming DILG Secretary Eduardo Año.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,