Walang security threat para sa APEC Summit – PNP

by Radyo La Verdad | November 10, 2015 (Tuesday) | 1368

GEN.-MARQUEZ
Walang namo-monitor na ano mang banta sa seguriad sa pagdaraos ng APEC Summit ngayong Nobyembre ang Philippine National Police o PNP.

Subalit ayon kay PNP Chief P/Dir.Gen. Ricardo Marquez, nasa mataas na level na ang kanilang paghahanda at sa katunayan 36 na meeting ang kanilang naisagawa para sa paglalatag ng seguridad para 21 head of states na dadalo sa summit meeting.

Nakausap na rin aniya nya ang pangulo at isa sa pangunahing instructions nito ay ang zero crime incident sa panahon ng APEC Summit.

Kaya naman sinabi ng heneral na itataas na nya sa full alert status ang buong PNP sa Metro Manila sa susunod na linggo.

Kasabay nang paghahanda para sa seguridad ng mga dadalong head of states sa APEC Summit, tumanggap naman ng anti- terrorism equipment ang pnp na donasyon mula United States.

Sinabi ni United States Embassy Regional Security Officer Thomas Mcdonough, ang 3 robot, 6 na bomb suit at 6 na sasakyan ay malaki ang maitutulong sa pagse-secure ng pnp sa mga dadalo sa APEC.

Ang mga anti-terrorism equipment na donasyon ng U-S, ayon sa chief pnp ay ipu-pwesto sa mga lugar kung saan mamamalagi ang mga head of state.

Muli namang panawagan ng pinuno ng pambansang pulisya sa sambayanan na ipakita ang likas na hospitality ng mga pilipino sa pagtanggap ng bisita sa pamamagitan ng pagpapanatili ng katahimikan at kapayapaan para sa maayos na pagdaraos ng APEC Summit.

Pagkatapos naman ng APEC Summit, sinabi ng heneral na ipamamahagi naman ang mga equipment sa National Capital Region, Special Action Force at sa Mindanao partikular sa General Santos City.

Dagdag ni Mcdonough, malaking tulong ang tatlong robot sa pagpasok sa isang lugar na may hinihinalang bomba upang mailayo sa peligro ang buhay ng mga pulis.

Ang anti-terrorism equipment ay ang ikalawang batch na ng donasyon ng Amerika sa Philippine National Police. (Lea Ylagan/ UNTV News)

Tags: ,