Mga pulis mahigpit na magbabantay laban sa ilegal na paputok

by Radyo La Verdad | December 23, 2015 (Wednesday) | 17109

MARQUEZ
Mahigpit ang mandato ng pamunuan ng Philippine National Police sa kanyang mga tauhan na maging agresibo sa kampanya laban sa ilegal na paputok.

Ayon kay PNP Chief P/Dir. Gen. Ricardo Marquez, nagpakalat sila ng mas maraming tauhan ngayon upang mabantayan mabuti at kumpiskahin ang mga itinitindang ilegal na paputok.

Inatasan na rin ang mga police commander na magsagawa ng inspection sa mga tindahan at pagawaan ng paputok.

Makipag ugnayan sila sa mga Local Government Unit at Bureau of Fire Protection tuwing magsasagawa ng inspeksyon.

Sinabi pa ng heneral na ipatatawag nya at pagpapaliwanagin ang bawat police commander sa lugar na may mataas na bilang ng biktima ng paputok subalit walang nahuli.

Sa kasalukuyan, mayroon nang nahuli ang PNP na tatlong nagbebenta ng ilegal na paputok sa Region 7 at Region 11.

Iginiit din ng pinuno nang pambansang pulisya na tiyak na may kaukulang parusa ang sino mang pulis na makikipag sabwatan sa mga tindera o manufacturer ng mga ipinagbabawal na paputok.

Hinikayat din nito ang publiko na isumbong sa PNP ang mga pulis na makikitang gumagamit ng mga illegal firecracker at pyrotechnic sa kanilang mga lugar.

(Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: , ,