Walang nasawi o nasugatan sa magnitude 6.4 na lindol sa Davao Oriental – prov’l gov’t

by Radyo La Verdad | September 10, 2018 (Monday) | 6777

Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa nangyaring pagyanig sa Davao Oriental noong Sabado ng hapon.

Naitala ang sentro ng magnitude 6.4 na lindol sa Manay, Davao Oriental at naramdaman sa iba’t-ibang lugar sa Davao.

Sa kuha ng CCTV sa isang mall sa Mati City, makikita ang malakas na pagyanig at ang pagtakbo ng mga mamimili. Naglabasan din ang mga tao sa mall sa Davao City nang maramdaman ang intensity 5 na lindol.

Batay sa isinagawang damage assessment ng Davao Oriental Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon, may ilang mga lugar na nagtamo ng bahagyang pinsala sa ilang istraktura. Apat ang partially damage sa isang Islamic area sa Magsaysay, City of Mati. Maging ang regional evacuation center at isang simbahan sa Tarragona ay nagkaroon din ng structural damages.

Samantala, ilang oras matapos pansamantalang ilikas noong kasagsagan ng lindol, pinabalik na ang mga pasyente at staff ng Davao Oriental Provincial Medical Center nang matiyak ng mga otoridad na ligtas ang lugar.

Pinayuhan naman ng DCRRMO ang publiko na agad inspeksyunin ang kanilang mga bahay o establisyemento dahil sa posibleng epekto rito ng lindol.

Samantala, nagsagawa na rin kahapon ang Department of Public Works and Highways at Davao Oriental Disaster Teams ng clearing operations sa mga kalsada na naapektuhan ng pagyanig.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,