VP Robredo, pabor sa panukalang suspensyon sa implementasyon ng TRAIN law

by Radyo La Verdad | July 10, 2018 (Tuesday) | 2369

(File photo from VP Leni Robredo FB Page)

 

 

Panahon na para muling pag-aralan ng pamahalaan ang TRAIN law, ayon kay Vice President Leni Robredo.

Ito ay dahil ramdam na ramdam na ang epekto nito lalo na sa mga ordinaryo at mahihirap na mamamayan.

Isa aniya sa hindi naikonsidera ng administrasyon sa pagsusulong ng naturang batas ay ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na pinatawan pa ng karagdagang buwis sa bansa.

Sablay din umano aniya ang dapat sana ay panalo o safety net ng TRAIN law gaya ng dalawang daang subsidiya kada buwan sa 10 milyong mahihirap na pamilya sa bansa na inaasahang tatamaan ng epekto ng TRAIN law.

 Paglilinaw ni Robredo, hindi niya hinihiling na kanselahin ang batas kundi muli itong pag-aralan.

Ayon pa sa Pangalawang Pangulo, ito ang mas dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan kaysa sa charter change o ang pagbabago ng konstitusyon ng bansa patungo sa federalismo.

Malaki aniya ang nagagastos ng pamahalaan sa isinasagawang kampanya para magikot at ipaliwanag ang pormang ito subalit sinasamantala naman ito ng iba at hinahaluan ng pulitika.

Para naman sa research group na Ibon foundation, kailangan nang itaas ang sahod ng mga mangagagawa dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa train law.

Ayon sa grupo, dahil sa inflation, tumaas din ang family living wage sa Metro Manila.

Batay sa kanilang pag-aaral, ang isang pamilya na may anim na miyembro ay nangangailangan ng 1,175 pesos sa isang araw para matugunan ang kanilang pangangailangan.

Sa ngayon nasa 512 pesos ang minimum wage sa National Capital Region.

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,