VP Robredo, nangangamba na maging “debt trap” ang planong P175B loan sa China para sa Bicol express reconstuction

by Radyo La Verdad | October 23, 2017 (Monday) | 2164

Bagama’t natutuwa si Vice President Leni Robredo dahil tuloy na ang planong reconstruction ng Bicol express train ng Philippine National Railways o PNR, nagpahayag naman siya ng pangamba sa pag-utang ng pamahalaan sa China para sa nasabing proyekto.

Ayon kay VP Robredo, maaring magresulta sa “debt trap” ang 175 bilyon pesos na planong loan sa China sa pamamagitan ng Official Development Assistance o ODA.

Hindi naman daw niya tinututulan ang planong ito ngunit kailangang pag-isipan pa ito ng pamahalaan. Aniya, baka malubog sa utang ang pamahalaan at ang mamamayan ang mahirapan sa naturang multibilyong pisong proyekto.

Ayon naman kay DOTr Usec. Cesar Chavez, inaasahang lalagdaan ang 175 billion peso loan agreement sa Nov. 16-17 sa 31st ASEAN Summit and related meetings sa Maynila.

Ang proyekto ay pasisimulan sa taong 2018 at matatapos sa 2022. Babayaran ito sa loob ng dalawampung taon na may 2% interest kada taon.

Ayon pa kay Usec. Chavez, ang reconstruction ng PNR ay magdudulot ng mabilis at komportableng biyahe mula sa Maynila hanggang Bicol dahil sa mga itatayong bagong riles, tren at mga istasyon.

 

( Jun Soriao / UNTV Correspondent )

Tags: , ,