METRO MANILA – Nakahanda na sana ang 40 pahinang report ni Vice President Leni Robredo upang ilahad sa publiko ang kaniyang obserbasyon at rekomendasyon hinggil sa anti-illegal drug campaign ng pamahalaan.
Ngunit dahil sa malakas na lindol sa Mindanao, ipinagpaliban na muna ito ng Pangalawang Pangulo.
“Parang napaka-mali sa timing na asikasuhin natin iyong report sa Inter-Agency Committee against Illegal Drugs (ICAD), na mayroon pa namang panahon para pag-usapan ito. Tingin namin mas mabuti na ang pagtuunan ng pansin ngayon ng lahat, kung paano tayo makakatulong doon sa mga victims saka sa mga kababayan natin.” ani Vice President Leni Robredo.
Ayon kay VP Robredo, pupwede naman aniyang mailahad ang naturang ulat kahit anong panahon ngunit mas maigi mabigyan muna ng prayoridad na matulungan ang mga nasalanta ng lindol sa Davao.
Posible aniyang bago mag December 25 o sa susunod na taon na maisasapubliko ang kaniyang ulat.
Nananawagan din ito sa publiko na may kakayahan tumulong upang mapunan ang mga pangangailangan ng mga naapektuhan ng lindol.
“Ang pinaka-kailangan daw nila as of this time, tents dahil sunud-sunod na iyong aftershocks at iyong mga tao traumatized na grabe. Iyong mga tents saka drinking water. Iyong sabi niya kanina, nawalan na ng kuryente, nawalan na ng tubig.”ani Vice President Leni Robredo.
Kailangan din aniya ng generator sa mga lugar na nawalan na ng kuryente bunsod ng lindol.
Binatikos naman ng Malacañang ang muling pagkabinbin ng sinasabing rebelasyon ni VP Robredo tungkol sa mga natuklasan nito matapos maupo bilang co-chair ng ICAD.
Ayon kay Presidential Spokesperson And Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, dapat ibinunyag na ito ni Robredo sa mismong oras na nadiskubre niya ang sinasabing iregularidad.
“What’s taking her so long? As the president said, ‘bring it on, whatever you want to come out with.’ mahirap kasi pag wala ka naman talagang ilalabas at nag-iisip ka pa kung ano ang ilalabas mo, eh talagang matagal”ani Vice President Leni Robredo.
(Vincent Arboleda | UNTV News)
Tags: VP Leni Robredo