Pinakakasuhan na ng Department of Justice sina Mayor Rexlon Gatchalian, at ang operations manager ng Kentex na si Terrence King Ong kaugnay ng sunog sa pabrika ng Kentex sa Valenzuela City nitong nakaraang Mayo.
Matapos rebyuhin ang findings ng Inter-agency Anti-Arson Task Force na nag-imbestiga sa insidente, inirekomenda ng DOJ Special Panel na sampahan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide and multiple physical injuries si Ong at ang may-ari at dalawang empleyado ng Ace Shutter Corporation, ang kumpanyang nagsagawa ng welding works sa pabrika.
Dahil ito sa pagkasawi ng 72 mga empleyado at pagkakasugat ng maraming iba pa.
Magugunitang nangyari ang sunog nang magliyab ang mga kemikal malapit sa pinagtatrabahuan ng dalawang welder.
Posibleng makasama rin sa kakasuhan ang iba pang manager, opisyal at may-ari ng Kentex kapag napatunayang may pananagutan din sila sa insidente.
Pinakakasuhan naman ng graft at sari-saring paglabag sa fire code si Mayor Gatchalian at ang City Fire Marshall kasama ang apat pang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela at Valenzuela Fire Station.
Pinasasampahan din ng Administrative Complaint si Mayor Gatchalian at iba pang public official at ang mga opisyal at may-ari ng Kentex.
Isasampa ang kaukulang mga reklamo sa piskalya ng Valenzuela City at sa tanggapan ng Ombudsman.
Inirekomenda naman ng DOJ Panel na imbestigahan ang posibleng pananagutan ng mga opisyal ng DOLE-NCR.
Dahil ito sa pag iisyu ng Certificate of Compliance pabor sa Kentex sa kabila umano ng sari-saring paglabag ng kumpanya sa batas-paggawa at sa mismong panuntunan ng DOLE para sa kaligtasan ng mga manggagawa.
Tags: Department of Justice, Mayor Rexlon Gatchalian, Terrence King Ong