Kaso ng “ninja cops,” muling bubuksan ng DOJ

by Radyo La Verdad | October 7, 2019 (Monday) | 19331

Bubuo ng bagong panel ng prosecutors ang Department of Justice para sa muling pagbubukas ng kaso noong 2013 ng labing tatlong pulis na umano’y ninja cops na pinangungunahan ni Police Major Rodney Baloyo.

Ang naturang Ninja Cops ay nagtago umano ng 160 kilograms ng shabu.

Nakakuha rin umano ang mga ito ng 50 million pesos at mga bagong Sport Utility Vehicle (SUV) kapalit ng kalayaan ng umano’y Chinese drug trafficker na si Johnson Lee.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra dahil sa mga bagong ebidensya na lumutang ay muli itong bubuksan ng DOJ.

Bibigyan rin ng pagkakataon ang magkabilang panig na maghain ng mga dagdag ebidensya, susubukan nilang resolbahin ito sa loob ng isang buwan.

Muling sisilipin ng DOJ ang dinismiss na kaso ng mga pulis partikular na dito ang ilang probisyon sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kabilang na ang misappropriation o maling pagdedeklara sa nakuhang droga at pagtatanim ng ebidensya.

Ang labing tatlong pulis ay tinanggal na sana sa pwesto kasunod ng nangyaring iregularidad sa drug raid, pero sa halip ay napatawan lamang sila ng one-rank demotion.

Nabulgar sa pagdinig sa Senado ang hindi magkatugmang pahayag ni Baloyo ukol sa nangyaring drug raid. 4:30 ng hapon umano nangyari ang raid sa bahay ni Lee samantalang base sa records ay sa umaga nila ito ginawa.

Naniniwala ang mga Senador na posibleng ginamit nila ang mga oras sa pagitan ng umaga at 4:30 pm upang maitago ang shabu at pera at umaresto ng ibang Chinese national bilang kapalit ni Lee na kanilang pinatakas kapalit ng suhol.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , ,