Vaccine rollout sa 12-15 taong gulang, hindi pa masisimulan dahil kulang ang supply – DOH

by Erika Endraca | June 9, 2021 (Wednesday) | 2251

METRO MANILA – Naaprubahan ang Emergency Use Authorization (EUA) ng Pfizer Biontech sa bansa noong Enero.

At maaari lamang itong ibigay sa mga 16 na taong gulang pataas.

Kahapon (June 8) nilinaw ng Department Of Health (DOH) na maaari na ring magpabakuna laban sa COVID-19 ang mga 16 to 17 years old na may comorbidity.

Kailangan lamang ay may clearance ang mga ito mula sa kanilang doktor.

Kinumpirma rin ng DOH Kahapon (June 8) na na- amyendahan ang EUA ng Pfizer.

At maaari na itong ibakuna sa mga 12 hanggang 15 taong gulang na mga batang Pilipino.

“Ngunit sa isang pahayag, sinabi ni DOH Spokesperson Usec Maria Rosario Vergeire, isinasa alang- alang pa rin ng pamahalaan ang vaccine supply sa Pilipinas.

Dahil limitado pa rin ito sa ngayon,nananatiling una sa listahan ang mga nasa priority sector.

Dagdag pa ni Usec Vergeire, gumagawa naman ng paraan ang vaccine cluster sa pangunguna ni Vaccine Czar Sec Carlito Galvez Jr upang makapag- secure ng COVID-19 vaccine para sa mga dapat mabakunahan na Pilipino.

Sa mensahe naman ni National Task Force Spoksesperon Ret. Gen Restituto Padilla, kailangan munang hinatayin ang approval ng vaccine experts panel at ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) para sa vaccine rollout sa mga menor de edad.

Ang NITAG ang grupo ng mga eksperto na nag- aaral sa iba’t ibang aspeto bago simulan ang vaccination rollout sa Pilipinas.

Samantala, may EUA na rin ang Sinopharm sa Pilipinas kaya maaari na itong magamit sa Pilipinas

“So ito po ay tiningnan na rin ng ating mga experts at ang evaluation ng ating FDA ay today we already granted Emergency Use Authorization to doh to accept the donations of Sinopharm” ani FDA Director General, Usec Eric Domingo .

Ang DOH ang nagsumite ng eua application ng Sinopharm sa FDA.

Naninindigan ang FDA na hindi labag sa batas na ang isang ahensya o kumpanya na may license to operate bilang isang drug importer ang magsumite ng EUA para sa isang gamot o bakuna.

“Talagang nasa batas and it’s worldwide pratcice, iyong atin namang EO 121, based on who guidelines. Posible naman na goberyno gusto bumili ng bakuna na walang local manufacturer or representative dito. In those cases, the government itself can get EUA . Hindi naman conflict yun dahil ang EUA ay hindi naman product registration o marketing authorization lang talagang for emergency use lang ang mga bakuna.” ani FDA Director General, Usec Eric Domingo .

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,