Hindi pa tuluyang nawawalan ng pag-asa ang pangunahing negosyador ng pamahalaan sa usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista.
Ayon kay Government Chief Negotiator at Labor Sec. Silvestre Bello III, may pag-asa pang bumalik muli sa pag-uusap ang pamahalaan at ang National Democratic Front.
Aniya pa, kahit mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabing ayaw na niyang makaharap ang mga ito at binansagan pang terorista ang CPP-NPA.
Bukas din ang National Democratic Front of the Philippines na ituloy ang naunsyaming pakikipag-dayalogo sa pamahalaan kahit pa naging matindi ang kanilang pagbatikos kay Pangulong Duterte.
Ayon kay NDFP Consultant Felix Randy Malayao, laging nakahanda ang kinatawan ng Rebolusyonaryong Kilusan na bumalik sa negotiating table upang mabigyan ng solusyon ang ugat ng armadong labanan. Ngunit hindi aniya kasama sa kanilang plano na makipagnegosasyon upang sumuko sa gobyerno.
Ayon naman sa abogado ng mga NDFP Consultant, sana ay tumbasan ng gawa ang pangarap na kapayapaan ni Pangulong Duterte
Ang problema nga lang ay kapag kinatigan ng korte ang nilulutong petisyon ng Department of Justice na ideklarang teroristang grupo ang CPP-NPA dahil patakaran na ng pamahalaan na huwag makipag negosasyon sa mga terorista.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: CPP-NPA, Gov’t Chief Negotiator