Patungo na ng The Netherlands na si Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza para sa ikalimang round of peace talks ng pamahalaan sa National Democratic Front of the Philippines o NDFP.
Tinutulan ng NDFP ang pahayag ni Government Chief Peace Negotiator Silvestre Bello III na nagkamali ang komunistang grupo na ipanawagan na paigtingin ng npa ang opensiba ng mga ito sa Mindanao.
Sinabi naman ni Bello na hindi laban sa mga npa ang deklarasyon ng batas militar.
Ayon sa mga komunista, hindi ito maitatanggi ng pamahalaan dahil sinabi mismo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang mga npa ang isa sa mga dahilan kung bakit isinailalim ang buong mindanao sa martial law.
Sa statement naman na inilabas ni NDFP Founding Chair Joma Sison, kinokondina nito ang gawain ng teroristang Maute at sinabing pinag-iisipan ang utos na malawakang opensiba bilang tugon sa panawagan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na target daw ng martial law ang NPA.
Naniniwala ang CPP-NPA na hindi balakid ang paghahasik ng terorismo ng Maute sa pagpapatuloy ng peace talks at maaaring pagkaisahan pa ang paglaban sa terorismo na nambibikima ng mga sibilyan.
Nagbabala naman ang Armed Forces of the Philippines sa NPA na huwag ng makigulo dahil mahigpit nilang ipatutupad ang batas sa lahat.
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, mayroong umiiral na kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at mga komunistang grupo.
Panghahawakan ito ng pamahalaan at umaasang ganun din sa kabilang panig.
(Mon Jocson)
Tags: communist group, martial law., Moro, usapang pangkapayapaan