Unti-unti ng sumisigla muli ang turismo sa Albay, matapos ang pag-aalborot ng Bulkang Mayon

by Radyo La Verdad | February 20, 2018 (Tuesday) | 3789

Naging magandang tanawin para sa mga turista ang pag-aalboroto ng Bulkang Mayon. Sa umaga, kitang-kita ang halos perpektong hugis apa o cone shape ng bulkan. Sa gabi naman ay mabibighani ka sa tila fireworks display ng lava na lumalabas sa bibig ng Mayon.

Kahit noon pa na tahimik ang bulkan, humahatak na ito ng mga turista at kapansin-pansin na mas dagsa ngayon ang mga nais makakita sa ganda ng nag-aalborotong bulkan.

Ayon sa Department of Tourism Region 5, unti-unti na muling nakakabangon ang turismo sa probinsya partikular sa Legazpi City.

Nakapagtala ng sampung porsyentong pagtaas sa turismo ang DOT sa probinsya ng Albay simula noong Enero. Pinakasikat pa rin sa mga turista ang Cagsawa Ruins na kung saan nabaon sa lahar ang mahigit isang libong residente ng barangay Cagsawa noong 1814.

Patok rin ang Ligñon Hills na kung saan makikita ng malapitan ang Bulkang Mayon lalo na kung hindi ito natatakpan ng makapal na ulap. Matatanaw rin mula sa tuktok nito ang buong Legazpi City, Albay at karatig na bayan.

Sa Ligñon Hills maraming activity ang magagawa ng mga turista, kabilang na ang sky bike, na kung saan makikita ang kagandahan ng Bulkang Mayon.

Dinadagsa rin ang Embarkadero de Legazpi, dito makikita ng malayuan ang perpektong hugis ng bulkan mula sa Albay Gulf.  Pwede ring magpa-picture sa nakalagay na salitang Legazpi na background ang bulkan. Maging mga Koreanong ay tuwang-tuwang nagpakuha ng litrato sa bulkan.

Ayon sa DOT, kung maibababa sa level 3 ang alert level warning, naniniwala silang mas lalo pang lalakas ang turismo sa probinsya dahil mapapahintulutan na rin ang iba pang tourist site na mas malapit sa bulkan.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,