Universal Health Care Bill, bigong maipasa kahapon ng Bicameral Conference Committee

by Radyo La Verdad | November 20, 2018 (Tuesday) | 3129

Ilang mga probisyon sa ilalim ng Universal Health Care Bill ang hindi pa mapagkasunduan ng dalawang kapulungan ng Kongreso. Dahilan upang maantala kahapon ang pagpapasa ng naturang panukalang batas na layong isailalim ang lahat ng mga Pilipino sa Philippine Health Insurance (PhilHealth).

Sa bersyon ng Kamara, patas o pareho ang ibibigay na benefit package sa hindi nagbabayad at nagbabayad sa PhilHealth. Bagay na kinontra ng Senado, dahil sa magiging banta umano ito upang bumagsak ang buhay ng state insurance.

Naninindigan ang Senate panel na dapat ay may dagdag na insentibo na makukuha ang mga direktang nagbabayad na mga PhilHealth members. Bukas naman ang house panel sa panukalang ito.

Problema naman para sa Department of Health (DOH) kung papaano ito ipatutupad sa mga private hospital.

Ayon kay Senate Committee on Health and Demography Chairman Joseph Victor Ejercito, nasa limang isyu pa ang dapat nilang pagkasunduan.

Maging ang paghuhugutang pondo upang matustusan ang pangangailangan ng PhilHealth ay dapat ring matalakay.

Sa susunod na linggo ay ipagpapatuloy ng bicam ang pagtalakay sa Universal Health Care Bill.

Inaasahang ilalabas rin ng PhilHealth at DOH ang kanilang pagtataya kung anong mga benefits packages at rate increase ang posibleng maipatupad ng PhilHealth kapag ito ay tuluyang naisabatas.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,