Underspending ng pamahalaan para sa taong 2017, tinatayang mas mababa sa isang porsyento – DBM

by Radyo La Verdad | January 11, 2018 (Thursday) | 2194

Underspending ang tawag sa paggastos ng pamahalaan ng mas kakaunti kaysa sa nakalaang national budget para sa isang buong taon.

Batay sa depinisyon ng Department of Budget and Management o DBM, hindi ito kapaki-pakinabang dahil nangangahulugan itong hindi naipatutupad ang mga proyektong dapat ipatupad ng gobyerno para sa naturang taon.

Gayunman, tiwala ang Department of Budget and Management na less than one percent lang ang underspending ng pamahalaan lalo na’t tumaas ang spending nito bago matapos ang taong 2017.

Tinatayang sa Marso pa ng taong ito mailalabas ang kabuuang ulat hinggil sa naging paggastos ng lahat ng ahensya ng pamahalaan. Maituturing rin aniyang pinakamamaba na ang underspending ng Duterte administration sa mga nagdaang administrasyon.

Samantala, muling binigyang-diin ng pamahalaan ang mga mitigating measures nito para sa short term at transitory effects ng tax reform package.

Mayroon nang 24.5 billion pesos sa 2018 national budget para sa unconditional cash grants o 200 pesos kada buwan na nakalaan sa tinatayang 10 milyong pinakamahihirap na pamilya na posibleng maapektuhan ng TRAIN.

Bukod dito, 2.3 billion pesos naman ang loan facility para sa mga PUV drivers na planong palitan ang kanilang lumang jeepneys at may 2 billion pesos din para sa implementasyon ng national ID system bagaman nakabinbin pa ang panukalang batas sa senado.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: ,