Disyembre pa noong nakaraang taon nang maubos ang suplay ng NFA rice sa Baguio City. Kaya naman sa unang araw ng muling pagbebenta nito kahapon sa Baguio City Public Market ay pinilahan ito ng mga mamimili na ilang buwan nang naghihintay na magkaroon ng murang bigas sa merkado.
Isang oras at kalahati pa lamang ang lumipas, naubos na ang 30 kaban ng NFA rice na target maibenta sana sa buong araw.
Ang sistema, dapat may dalang sariling lalagyan ang mga bibili. Bibigyan ng number stub at hanggang limang kilo lang ang kanilang maaaring bilhin na NFA rice bawat araw.
Mahigpit na binabantayan ang mga bumibili upang hindi makaulit ang mga ito at lahat ay makapag-avail ng murang bigas.
Mabibili ng 27 piso kada kilo ang NFA rice, ngunit ayon sa mga mamimili, halos kapareho na rin ito ng kalidad ng mga commercial rice.
Tiniyak naman ng pamunuan ng National Food Authority (NFA) sa Baguio City na hindi na mauubusan ng supply ng NFA rice sa syudad dahil regular ang schedule ng pagdating nito mula sa National Office.
Samantala, sa kabila ng pagdating ng NFA rice sa mga merkado sa syudad, hindi pa rin bumababa ang presyo ng commercial rice na nasa 40 hanggang 50 piso kada kilo.
( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )
Tags: Baguio City, NFA, suplay