METRO MANILA, Philippines – Inabot ng sari-saring batikos sa social media ang Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng pagsisimula ng online submission ng medical certificate para sa mga kukuha at nagpa-parenew ng driver’s license.
Ngayong araw sinimulan nang ipinatupad ng LTO ang Memorandum Circular 2018-2157, na nagoobliga sa lahat ng LTO offices na gawing online ang pagtanggap ng mga medical certificate ng mga nagpapa-renew ng lisensya gayundin ang mga nais na kumuha ng student driver’s license.
Nakasaad rin sa bagong memo na kinakailangang manggaling sa accredited clinic ng LTO ang medical certificate na isusumite ng mga aplikante.
Paliwanag ni LTO Regional Director Jojo Guadiz, “kasi po ang daming nga instances na ‘yung mga clinic wala naman talagang doktor na nandoon. Either secretary lang ang nandoon o kung sinu-sino lang at may mga pre-signed na medical certificate and then bitbit ng tao ‘yung medical certificate na inissue ng clinic kuno. Then dadalhin nila and then based on that, the LTO will be issuing a driver’s license relying in good faith na ‘yung tao talaga ay fit to drive samantalang hindi pala.”
Sa ilalim ng bagong patakaran, isusumite o ita-transmit electronically ng accredited na doktor ang soft copy ng medical certificate ng isang aplikante sa pamamagitan ng kanyang biometrics na nakarehistro naman sa ITsystem ng LTO.
Ngunit dahil sa bagong proseso, marami sa ating mga kababayan ang naabala at nainis sa anila’y mahabang pila na idinulot nito sa ilang mga clinic.
Sa official Facebook page ng LTO-NCR, marami ang galit at nagrereklamo dahil may mga ilan pa raw na mga clinic ang hindi pa rin accredited ng LTO kaya’t nahihirapan silang magkapag-apply ng lisensya.
Inamin naman ng LTO na hindi pa rin nila natatapos na maipasok sa kanilang it system ang listahan ng lahat ng kanilang accredited clinic, kaya’t nagkakaproblema pa rin ang ilan. Subalit sinisikap na umano nila itong matapos ngayong araw.
Humingi naman ng paumanhin ang LTO sa mga naabalang motorista at nangakong aayusin na ang sistema bukas.
Tags: electronically transmitted, first day, Land Transportation Office, LTO, memorandum circular 2018-2157, online