Umano’y recruiter ng Maute-ISIS, kinasuhan na ng inciting to rebellion at paglabag sa Anti-Cybercrime Law

by Radyo La Verdad | December 13, 2017 (Wednesday) | 4124

Patong-patong na kasong inciting to rebellion at paglabag sa Anti-Cybercrime Law ang kinakaharap ngayon ng umano’y recruiter ng Maute-ISIS na si Karen Aizha Hamidon. Batay sa resolusyon ng DOJ, nakitaan ng probable cause o sapat na basehan upang kasuhan ito sa Taguig City Regional Trial Court.

Nadakip ng National Bureau of Investigation si Hamidon sa Taguig City nitong nakaraang Oktubre at nadiskubre sa cellphone nito ang halos tatlundaang mensahe sa social media application na “Telegram”. Kung saan nanghihikayat umano ito ng mga Muslim sa iba’t-ibang panig ng mundo na suportahan ang rebelyon ng Maute-ISIS sa Marawi City.

Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, bawat post ni Hamidon ay katumbas ng isang kaso ng inciting to rebellion. 5.9-million pesos ang inirekomendang pyansa kay Hamidon na kasalukuyang nakakulong sa NBI detention facility.

Ayon sa NBI, unang naging person of interest si Hamidon sa kalagitnaan ng taong 2016 nang makapag-recruit ito ng mga Indian National na sumali sa mga radikal na grupo sa Mindanao.

Naging asawa rin ito ni Mohammad Jaafar Maguid, ang napaslang na lider ng grupong Ansar Khalifa Philippines na responsable sa pambobomba sa Davao City night market noong Setyembre ng nakaraang taon.

Dati namang itinanggi ni Hamidon ang akusasyon at sinabing isa lamang siyang ordinaryong blogger at tagapangaral ng Islam.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,