Umano’y illegal recruiter na nambibiktima ng mga OFW, huli sa entrapment operation sa Quezon City

by Radyo La Verdad | September 20, 2018 (Thursday) | 7532

Hindi na nakapalag pa ang suspek na si Analiza Minaya alyas Zengki nang hulihin ng mga tauhan ng criminal investigation ang Detection Group Anti-Transnational Crime Unit sa isang fastfood chain sa Quezon City kahapon ng hapon.

Ito’y matapos na tanggapin at buksan ang envelope na naglalaman ng boodle money na nagkakahalaga ng P15 libong piso.

Ayon kay CIDG-ATCU Chief PSupt. Roque Merdegia Jr., ang naturang halaga ang hinihingi pa ng suspek sa tatlong nagreklamo dito bilang ang pandagdag sa processing fee upang makapag trabaho sa abroad.

Aniya, modus operandi ng suspek na mag-recruit patungong China bilang on call cleaners na may sweldong pitumpung libong piso kada buwan.

Dagdag ng opisyal, 12 overseas Filipino worker (OFW) na ang naipadala ng suspek at ng mga kasabwat nito sa Beijing at Hainan China, subalit nakulong na ang 10 sa mga ito sa naturang bansa dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento.

Kakasuhan ang suspek ng illegal recruitment at estafa habang patuloy namang hinahanap ang iba pang kasabwat nito.

Babala ng mga otoridad, makipag-ugnayan lamang sa mga lehitimong agency kung nais magtrabaho sa abroad upang huwag mapahamak.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,