Umano’y frame up sa pagkakahuli kina Marcelino, pinabulaan PNP-Anti Illegal Drugs Group

by Radyo La Verdad | February 16, 2016 (Tuesday) | 2430

PNP
Mariing itinanggi ng PNP – Anti-Illegal Drugs Group na may nangyaring set-up sa pagkakaaresto sa dating opisyal ng PDEA na si Lt.Col. Ferdinand Marcelino at sa Chinese national na si Yan Yi Shuo alyas Randy.

Sa kanilang sagot sa kontra salaysay ni alyas Randy, sinabi ng PNP-AIDG na lubhang malabo ang alegasyon nito na inutusan lamang siyang pumunta sa town house upang patayin ang nakabukas na ilaw doon.

Ayon sa PNP, kinokontra ito ng sariling salaysay ni alyas Randy na magpapatulong sana sila sa guwardiya upang buksan ang ilaw nang pasukin ng mga operatiba ang lugar.

Imposible rin umano na nagsasagawa lamang ng intelligence operation sa lugar sina Marcelino dahil huling huli sa akto ang Chinese national na nagaayos ng mga shabu sa loob ng town house na ginawang pagawaan ng illegal na droga.

Nagsumite rin ng sertipikasyon ang PDEA bilang patunay na hindi nila naging agent o empleyado si alyas Randy.

Taliwas ito sa sinasabi ng Chinese national na matagal na siyang impormante ng ahensiya.

Bibigyan naman ng pagkakataon sina Marcelino na sagutin ang isinumiteng reply ng AIDG kaya’t nagtakda pa ng pagdinig ang Department of Justice sa ika-dalawampu’t anim ng Pebrero.

Nahaharap sina Marcelino sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil sa pagkakaaresto sa kanila sa raid ng PDEA at PNP-AIDG sa isang shabu laboratory sa Sta.Cruz, Manila nitong nakaraang buwan.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,