Umanoý anomalya at kurapsyon sa PCSO, pinaiimbestigahan ng DOJ sa NBI

by Erika Endraca | July 30, 2019 (Tuesday) | 8759

MANILA, Philippines – Ipinasisilip na ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y mga anomalya sa operasyon ng Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) licensed gaming operators pangunahin na ang umano’y di pagreremit ng pera sa gobyerno at kurapsyon ng mga opisyal at empleyado nito.

Pagkakataon din ito ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra na ilahad ng pcso ang kanilang panig at patunayang walang katiwalian sa kanilang operasyon.

Pero gaya ng korte, may kapangyarihan aniya ang pangulo na ipatigil ang gaming schemes ng PCSO habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Samantala matinding kurapsyon ang idinahilan ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya ipinasara nito ang gaming operations ng pcso nitong Sabado.

Alinsunod naman sa kautusan ng pangulo, pinabawi na ni Mayor Isko Moreno ang business at mayor’s permits ng lahat ng Lotto, Small Town Lottery at iba pang gaming activities ng nasabing ahensya sa Maynila.

“Ang kautusang ito ng inyong lingkod ay mananatili habang umiiral ang bagong national policy ng ating pangulo regarding sa operasyon ng pcso.” ani Manila Mayor Isko Moreno.

Binigyan ng alkalde si Manila Business License Office OIC Attorney Paul Vega ng 3 araw upang maipatupad ang kaniyang kautusan.

Babawiin din ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang permit sa tinatawag na online sabong kung mapatutunayang wala itong prangkisa mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

(April Cenedoza | Untv News)

Tags: , , ,