Ulat sa beheaded Malaysian hostage ng Abu Sayyaf, walang kaugnayan sa APEC ayon sa AFP

by Radyo La Verdad | November 19, 2015 (Thursday) | 1762

THEN
Itinanggi ng tagapagsalita ng AFP na si Col. Restituto Padilla Jr. ang ulat na nagkaroon ng news blackout sa pamumugot ng ulo ng Abu Sayyaf sa Malaysian hostage na si Bernard Then Ted Fen.

Si Then ang isa sa dalawang Malaysian na dinukot ng teroristang grupo sa Ocean King Seafood Restaurant sa sandakan noong May 15.

Base sa nakuhang impormasyon ng AFP, pinugutan ng ulo ang 39 na taong gulang na Malaysian hostage sa Barangay Taran, Indanan, Sulu nitong martes dahil sa hindi nakapagbayad ng ransom money na hinihingi ng ASG.

Itinanggi naman ng AFP na may kaugnayan sa APEC Summit ang ginawang pamumugot sa ulo sa bihag ng ASG lalo na’t isa ang Malaysian Prime Minister sa mga economic world leader na narito sa bansa para sa APEC Summit.

Dagdag pa ni Col. Padilla, nangangalap pa sila ng impormasyon sa kanilang mga ground commander kaugnay ng umano’y nangyaring pamumugot at patuloy na operasyon laban sa Abu Sayyaf.

Nakatutok ang APEC Security Task Force sa isinasagawang economic leaders’ meeting at ipinauubaya naito ng pamunuan ng AFP at PNP sa kanilang area commanders.

Binigyang-diin naman ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez, nakahanda pa rin ang pambansang pulisya sa mga ganitong uri ng kaso sa kabila na abala ang PNP sa pinakamalaking security challenge sa bansa ngayon–ang APEC Summit. (Rosalie Coz/UNTV News)

Tags: , , ,