Uber driver na nagdala ng ilang gamit ni Horacio Castillo III sa bahay nito sa Makati, nagtungo sa MPD

by Radyo La Verdad | September 20, 2017 (Wednesday) | 1490

Iprinisinta ng Uber driver na si “Alyas Roy”ang kaniyang sarili sa Manila Police District bandang alas dose ng hating-gabi kagabi.

Ito ay upang magbigay ng pahayag ukol sa pag-deliver niya ng mga gamit sa bahay ng hinihinalang hazing victim na si Horacio Castillo III.

Tumanggi itong magpakita sa camera at sinabing maaari lamang i-record ang kanyang boses. Ayon sa driver, pasado ala una ng hapon noong September 16 nang mag-isang nakipagkita si Horacio sa Dapitan street, malapit sa University of Santo Tomas.

Nakasuot umano si Atio ng puting polo na basa ng pawis at mukhang balisa ang hitsura nito. Aniya, pinayagan nito ang pakiusap ni atio na ihatid ang kaniyang mga gamit sa kanilang bahay sa isang village sa Makati City.

Sa kundisyon na makikita niya ang nakalagay sa loob ng bag nito na naglalaman ng mga gamit pang eskwela.

Pinagbilinan ito na tawagan siya pagkarating sa bahay upang maabisuhan niya ang kanilang katulong sa pagtanggap ng kaniyang gamit na siya namang natupad.

Matapos kuhanan ng pahayag ng Manila Police ay umalis na rin ang Uber driver ngunit nangakong makikipagtulungan sa otoridad.

Sinabi rin nitong handa siyang humarap sa pamilya ni Atio kung nanaisin ng mga ito.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: ,