Tulong ng ibang bansa, kakailanganin ng NBI sa kampanya laban sa transnational crime

by Radyo La Verdad | December 9, 2015 (Wednesday) | 1570

RODERIC_ATTY.DAGANZO
Isang halimbawa ng transnational crime ang kaso ng OFW na si Mary Jane Veloso na nahatulan sa Indonesia dahil sa pagdadala ng illegal na droga.

Ni recruit sa Pilipinas si Veloso, ibyenahe patungong malaysia at saka naman pinagdala ng droga patungong Indonesia.

Nakasuhan na ang mga recruiter ni Veloso subalit nananatiling malaya ang African National na naglagay ng droga sa maletang ipinadala sa kanya.

Sa Cordova, Cebu naman, naaresto ng nbi nitong nakaraang sabado ang dalawang bugaw na gumagamit sa limang menor de edad sa kanilang cybersex operations.

Nasampahan na ng kaso ang mga bugaw ngunit malaya naman ang kanilang kliyente dahil nasa ibang bansa ito at walang jurisdiction doon ang mga otoridad ng Pilipinas.

Ang mga ganitong butas sa pagpapatupad ng hustisya ang nais mahanapan ng solusyon ng nbi kayat pinangunahan nito ang pagdaraos ng tatlong araw na kumperensya tungkol sa transnational crimes.

Dinaluhan ang nasabing kumperensya ng mga delegado mula sa Espanya, France, Hong kong, China, Taiwan, SaudiAarabia, at iba pang mga bansa sa Europa, Asya at Amerika.

Layon ng pagpupulong na mapaigting ang kooperasyon ng nbi sa ibang mga bansa sa pag iimbestiga at paglaban sa mga transnational crime o mga krimen na ginagawa ng mga organisadong sindikato at nasasaklawan ng jurisdiction ng ibat ibang bansa.

Kabilang na rito ang human trafficking, cybercrime, illegal na droga, terorismo at mga paglabag sa environmental laws.

Tatalakayin sa kumperensya ang extradition, mutual legal assistance at ang paglilipat ng mga nahatulan nang bilanggo.

Kasama rin dito ang palitan ng impormasyon.

Layon din ng kumperensya na maging pamilyar ang mga delegado sa proseso ng ibang bansa upang mas mapadali ang kooperasyon at palitan ng impormasyon.

(Roderic Mendoza/UNTV Correspondent)

Tags: , ,