TRO sa Boracay closure, hiniling ng 2 manggagawa sa isla sa Supreme Court

by Radyo La Verdad | April 26, 2018 (Thursday) | 6074

Naghain kahapon ng petisyon sa Korte Suprema ang dalawang manggagawa sa Boracay Island na humihiling na ipatigil ang pagpapatupad ng Boracay closure na magsisimula na bukas.

Inasistihan ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang dalawang petitioner. Respondent sa inihaing petisyon sina Pangulong Rodrigo Duterte, Executive Secretary Salvador Medialdea at DILG officer-in-charge Eduardo Año.

Hiling ng petitioner sa korte, maglabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapasara sa isla.

Nakasaad sa petisyon na labag sa karapatan ng mga turista na makabiyahe at maging sa mga residente na nais makapasok sa Boracay ang pagpapasara sa isla.

Anila, maari lamang itong gawin kung may national security, public safety  o public health threat at hindi sapat na basehan ang pagsasagawa ng rehabilitasyon.

Dagdag pa ng mga petitioner, dapat ay may umiiral na batas para ipatupad ang pagpapasara sa Boracay Island.

Labag din umano ito sa karapatan ng mga manggagawa sa isla, lalo’t mawawalan sila ng kabuhayan sa panahong sarado ang isla.

Kumpiyansa ang NUPL na kakatigan ng korte ang kanilang petisyon.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,