72% passing rate sa 2020-2021 bar examinations, naitala ng Supreme Court

by Radyo La Verdad | April 14, 2022 (Thursday) | 21735

Mula sa 11,402 na mga kumuha ng 2020-2021 bar examinations nitong February 2022, nasa 8,241 ang mga nakapasa sa pagsusulit at opisyal nang makapanunumpa bilang mga bagong abogado. Katumbas ito ng 72.28 percent na passing rate.

Ayon kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen na siyang tumatayong chairman ng 2020-2021 bar examinations, naging pagsubok din ang ginanap na bar exam dahil ilang beses itong naantala dahil sa Covid-19 pandemic. Ito aniya ang kauna-unahang digitalized at localized bar examinations na ginanap sa Pilipinas.

At upang makatulong sa bar takers, may mga pagbabagong ipinatupad ang Korte Suprema sa proseso ng pagsusulit, mas pinaikli ang exam sa dalawang araw mula sa dating apat na araw.

Tumagal na lamang rin ng dalawang buwan bago inilas ang resulta ng exam kumpara sa dati na inaabot ng limang buwan. Dagdag pa rito ang pagbago sa grading system.

Ayon kay Associate Justice Leonen, nais nilang alisin ang ranking system dahil hindi aniya kompetisyon ang pagkuha ng bar exam.

Dahil dito, wala nang inanunsyo ang Korte Suprema ng top 10 bar passers. Sa halip, naglabas sila ng ranking para sa mga paaralang nakapagtala ng maraming bar passers.

“The top 10 is articficial, because 90.0133% is not different from 90.0134%. Ganoon kalapit iyong grades and to make a hierarchy, mahirap because you’re enodwing endowing, entitling number 3 as being better than number 4. What counts is the performance of law schools. Kasi iyon ang ine-evaluate natin. Can they really make bar passers, more particularly exemplary passers, etc. That’s why I added the law schools,” ayon kay Marvic Leonen, Associate Justice, Supreme Court.

Kapwa nanguna ang Ateneo de Manila University at University of the Philippines sa dami ng mga nakapasa at nag-excel sa bar exams.

Nakapagtala ang Ateneo de Manila University ng 99.64 percent passing rate habang  pumangalawa naman ng University of the Philippines na mayroong 98.84 percent.

Ang San Beda University naman ay mayroong 98.10 percent passing rate. 98 percent flat naman ang University of San Carlos, habang 93.05 percent naman ang University of Santo Tomas.

Nangunguna naman ang University of the Philippines sa may pinakamaraming bilang ng exemplary at excellent passers. Ito ang mga nakakuha ng score na mas mataas sa 85 percent.

Sa May 2 gaganapin ang oath taking ng mga nakapasang bar takers sa Mall of Asia Arena.

Samantala, napili naman ng Korte Suprema si Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa bilang susunod na bar chairman.

“We’ve announced already that we will continue with the digitalized also, regionalized—although not the same number of regions right now, baka 15 testing centers lang kami all over the Philippines,” ani Assoc. Justice Alfredo Cagiuoa, Supreme Court.

Sa ngayon pinagaaralan pa  kung kailan gaganapin ang 2022 bar examinations, ngunit plano itong gawin ng Supreme Court sa darating na Nobyembre.

Aileen Cerrudo | UNTV News

Tags: , ,