METRO MANILA – Maaari na muling makapasok sa Pilipinas ang mga biyaherong galing sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman, Thailand, Malaysia, at Indonesia.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aalis ng travel restrictions sa mga bansang nabanggit pagkatapos ng isa hanggang 4 na buwan.
Gayunman, kinakailangang sumailalim ang mga international passenger mula sa mga nasabing bansa sa kinakailangang entry, testing, at quarantine protocols.
Samantala, inaprubahan naman ng IATF ang pagkakaroon ng yellow at red classifications bukod sa green classification ng mga bansa, hurisdiksyon at teritoryo.
Nakabatay ito sa incidence rates at case counts ng COVID-19 at testing data ng mga partikular na bansa at teritoryo.
Nasa yellow list ang mga moderate risk sa COVID-19 o may 50 – 500 na incident rate ng COVID-19 sa populasyong humigit kumulang sa100,000.
Ang mga galing sa mga bansa o hurisdiksyong ito, bakunado man o hindi ay kinakailangang sumunod sa entry, testing at quarantine protocols pagdating sa Pilipinas.
Sasailalim sila sa 14-day quarantine at RT-PCR testing sa ika-pitong araw mula day of arrival.
10 araw naman ang gugulin sa quarantine facility at 4 na araw na home quarantine sa local government unit of destination.
Dapat namang tiyakin ng Bureau of Quarantine ang istriktong symptom monitoring sa facility quarantine.
Nasa red list naman ang mga bansa, hurisdiksyon o teritoryo na high risk sa COVID-19 o may 500 na incidence rate ng COVID-19 kada 100,000 bilang ng populasyon.
Hindi maaaring makapasok sa Pilipinas ang mga inbound international travelers sa mga bansa o teritoryong kabilang sa red list.
Tanging mga Pinoy lamang na pabalik ng bansa na sakop ng repatriation program ng pamahalaan o pribadong sektor at subject sa entry, testing at quarantine protocols.
Samantala, hindi naman sang-ayon ang dating adviser ng national task force against COVID-19 na si Dr. Tony Leachon sa naging hakbang ng pamahalaan na pag-aalis ng restrictions.
Aniya, premature pa upang buksan ang borders sa gitna ng mataas na mobility at COVID-19 positivity rate sa bansa.
Dapat din aniyang maghintay pa ng 2 linggo at obserabahan ang mga kaso sa 10 bansa.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Travel Restrictions