DOT, umaasang aalisin na ang Travel Restriction sa mga bata at matatanda

by Erika Endraca | October 7, 2021 (Thursday) | 10527

METRO MANILA – Malaki ang posibilidad na payagan na ang leisure travel sa mga below 18 at above 65 years old o senior citizens sa bansa.

Kasunod ito ng pag-apela ng Department of Tourism sa Interagency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Paliwanag ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, napipigilang bumiyahe ang mga pamilya dahil sa naturang restriksyon.

Kaya mas lalo aniyang nahihirapan ang tourism sector na unti-unting bumangon mula sa krisis dulot ng pandemya.

“Hindi naman yan mag-a-out-of-town kung hndi kasama mga anak niya. So, yun ang one of the reasons bakit hindi pumupunta. So, we’re hoping na sana by thursday, payagan nila muli kasi dalawang beses na nila o tatlong beses na na pinayagan ng IATF yung no-age restriction. Yun na lang hinihingi namin.” ani DOT Sec. Bernadette Romulo-Puyat.

Ayon naman kay Vaccine Czar at National Task Force Against COVID-19 chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., malaki ang maitutulong ng turismo sa ekonomiya ng bansa.

Mas mapapalakas pa aniya ang turismo kung makakabyahe ang buong pamilya lalo pa kung bakunado na ang mga menor de edad.

“So, kung vaccinated na yung ating mga children, most likely nandoon na yung tinatawag na consumer’s confidence na ngayon na yung buong pamilya, pupunta doon sa dining area, pupunta doon sa tinatawag nating tourism spots.” ani NTF vs. COVID-19 Vaccine Czar/Chief Implementer, Sec. Carlito Galvez Jr.

Sa kasalukuyan, ilan sa mga pangunahing tourist destination sa bansa ay nakapagbakuna na rin ng halos lahat ng kanilang mga tourism worker.

Magbibigay-daan ito sa mas ligtas na tuloy-tuloy na pagbubukas ng turismo at pagbabalik ng kabuhayan ng maraming mamamayan na umaasa rito.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,