Trauma dulot ng gyera, hindi pa rin naaalis sa ilang Marawi seige survivors

by Radyo La Verdad | May 24, 2018 (Thursday) | 3124

Mayo abente tres noong nakaraang taon nang salakayin ng Maute-ISIS group ang lungsod ng Marawi. Bilyong ari-arian ang nawasak, libong buhay ang nalagas, kung saan 47 dito ay mga inosenteng sibilyan.

Dalawampu’t apat sa siyam napu’t anim na barangay ng Marawi ang lubhang naapektuhan ng digmaam. Makalipas ang isang taon, hindi pa rin nawawala ang trauma sa ilang nakaligtas sa bakbakan.

Ayon kay Sahira Musa, napapaiyak pa rin siya sa tuwing naalala ang kanilang sitwasyon noong kasagsagan ng Marawi siege. Namatay sa digmaan ang kaniyang bagong silang na anak.

Init sa loob ng tent at walang maayos na hanapbuhay ang kanilang idinadaing sa pamahalaan. Hiling ng mga bakwit, muling makabalik sa kanilang mga tahanan.

Ayon kay Joint Task Force Ranao Deputy Commander, Col. Romeo Brawner, patuloy ang kanilang isinasagawang psychosocial debriefing sa mga survivors.

Sa ngayon, nasa 70% na ng mga internally displace persons ang nailipat na sa temporary shelters at inaasahang maililipat na ang mga natitira pa bago matapos ang taon.

Samantala, kahit ilang beses nagpabalik-balik si Pangulong Rodrigo Duterte sa Marawi City, hindi nagtungo ang punong ehekutibo sa siyudad upang gunitain ang Marawi siege.

Ayon kay Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, sa paggunita ng liberation ng Marawi City, pupunta ang punong ehekutibo at hindi sa araw kung kailan ito kinubkob.

Hindi na aniya kinakailangang gunitain ang Mayo a-bente tres.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

Tags: , ,