TRAIN 2, ihahain ni Sen. Sotto sa Senado

by Jeck Deocampo | August 2, 2018 (Thursday) | 4193

METRO MANILA – Mismong si Senate President Vicente Sotto III ang magsusulong ng package 2 ng panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN 2.

Hudyat ito na magsisimula na ang Senado sa debate sa kontrobersyal na panibagong reporma sa pagbubuwis.

“Dito sa TRAIN 2, mukhang makikinabang nga rito yung small and medium enterprises. Para mas magkaroon ng malinaw na debate (at) pag-uusapan, i-file ko sa Senate ito,” ani ng Senate President.

Sa ilalim ng TRAIN 2, ibababa ang corporate tax sa 25% mula sa kasalukuyang 30%. Ngunit magkakaroon ng pagbabago o maaaring maialis naman ang mga insentibo na natatanggap ng mga nagnenegosyo sa bansa.

Ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri, nakausap na niya ang ilan sa mga grupo ng mga negosyante at nababahala ang mga ito sa posibleng masamang epekto nito sa kanilang industriya. Kabilang na rito ang mga nasa business process outsourcing o BPO na lumikha na aniya ng nasa isang milyong trabaho.

“Kung mawawalan sila ng incentives, natatakot sila na baka itong mga korporasyon na ito (ay) umalis sa Pilipinas at pumunta ng ibang bansa. So, ‘yan ang pag-aralan nating mabuti,” pahayag ni Sen. Zubiri.

Samantala, hati naman ang pananaw ng ibang senador sa bagong reporma sa pagbubuwis.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, “Hindi ko rin ma-settle sa aking pagiisip, bakit binibigyan natin ng katakot-takot na incentives and exemptions itong mga nasa gambling industries.”

Dagdag naman ni Senador Bam Aquino, “Ang hirap pong makamove-on sa TRAIN 2, habang ang TRAIN 1 marami pa rin pong tinatamaan. Marami pa rin pong programa na dapat nag-emanate mula sa TRAIN 1 na hindi naman po napapatupad sa ating bayan.”

Ayon naman kay Senate Committee on Ways and Means Chairman Sonny Angara, kailangang pakinggan ang magkabilang panig ukol sa usapin na ito. Lalo na’t nakataya rito ang ekonomiya at kapakananan ng mga naghahanap-buhay na Pilipino.

 

Ulat ni Nel Maribojoc/ UNTV News

Larawan kuha ni Marjohn Obsioma/PVI

Tags: , , , ,