Traders na nagbebenta ng palay sa NFA gamit ang pangalan ng mga kooperatiba, pinaiimbestigahan na ng DA

by Radyo La Verdad | May 6, 2019 (Monday) | 6978

METRO MANILA, Philippines – Binubusisi na ng Department of Agriculture (DA) ang mga kooperatiba ng mga magsasaka na nakarehistro sa National Food Authority (NFA).

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, napagalaman nito mula sa isang farmer leader sa Central Luzon na may mga trader na nagbebenta ng palay sa NFA na ginagamit ang mga kooperatiba ng mga magsasaka.

Binibili umano ng mga trader ang mga palay sa mga magsasaka sa halanga 15 pesos per kilogram at ibinebenta naman ito sa NFA ng nasa P20.70 kasama na ang mga insentibo. Ayon sa opisyal, ang mandato ng NFA bumili ng mga ani ng mga lehitimong magsasaka base sa rice tariffication law at hindi sa mga trader.

Pinatitiyak ng kalihim kung mayroong mga bogus sa mga nakalistang kooperatiba.

Pinaiimbestigahan narin ni Piñol kung may sangkot na opisyal ng NFA.

Samantala, mananatili naman ang P27 kada kilo ng NFA rice sa merkado.

 “The president has given a directive that NFA should continue selling at P27 even if the rice that we will be using were already be the local rice,” ayon kay Department of Agriculture Secretary Manny Piñol.

Dagdag pa ni Sec. Piñol, hanggang sa Setyembre pa tatagal ang nakaimbak nilang imported NFA rice. Kahit na maubos ito ay mananatili ang murang bigas sa merkado na mula naman sa mga lokal na magsasaka.

Umabot na sa 3 milyong sako ng palay ang nabibili ng NFA mula Enero hanggang Abril ngayon taon.

Target ng NFA na makabili ng 30 milyong bag ng palay ngayong 2019.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,