Total deployment ban sa mga OFW sa Kuwait muling ipinatupad ng Pamahalaan

by Erika Endraca | January 16, 2020 (Thursday) | 18958

METRO MANILA – Muling ipinatupad ng pamahalaan ang total deployment ban ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait bunsod ng pagpatay sa Pilipinong household service worker na si Jeanelyn Villavende.

Sakop nito hindi lang mga household worker kundi pati mga skilled worker na pupunta sa Kuwait. Maliban na sa mga professionals at balik manggagawa na skilled worker. Hindi na magbibigay ng Overseas Employment Certificate (OEC) ang  Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Pero ang mga nauna nang nakakuha ng OEC ay papayagan pa ring umalis.

Ayon kay DOLE Sec. Silvestre Bello III irerekomenda niya ang total deployment ban matapos lumabas ang resulta sa re-autopsy na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa labi ni Jeanelyn Villavende noong nakaraang Linggo na bukod sa nawawala ang ilang internal organs nito ay nakaranas din ito ng pang aabuso.

Samantala, hindi babawiin ang total deployment ban hanggat hindi nakakamit ang hustisya para kay Villavende.

Tags: , ,