Paso, pasa at sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan, ganito ang sinasapit ng mga Filipino domestic helper sa Kuwait batay sa report na natanggap ng ACTS OFW Partylist.
Sa datos ng grupo, tumaas ang bilang ng mga OFW na nasawi sa Kuwait sa nakalipas na dalawang taon. Habang nasa 300-400 house hold workers na ang tumatakas sa kanilang mga amo at ngayon ay kinukupkop ng embahada o sa Bahay Kalinga doon.
Ayon kay OFW Partylist Rep. John Bertiz, hindi pumipirma ng bilateral agreement ang Kuwait sa Pilipinas kaya walang proteksyon doon ang mga OFW.
Kaya kung magmamatigas umano ang Kuwait na lumagda sa kasunduan, sapat ang mga datos na kanilang ipinakita para alisin ang mga OFW doon.
Dagdag pa ng mamabatas, dapat handa ang pamahalaan na ayudahan at tulungan ang mga maaapektuhang OFW. Bukas naman ang DOLE sa panukalang ito.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )
Tags: ACTS OFW Partylist, Kuwait, OFW