Tinaguriang Drug Queen ng Maynila, hinamon ng NCRPO na umuwi ng bansa at harapin ang alegasyon laban sa Kaniya

by Erika Endraca | September 26, 2019 (Thursday) | 44313

MANILA, Philippines – Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO)  Chief Police Major General Guillermo Eleazar na si Guia Gomez Castro ang tinaguriang Drug Queen ng Maynila.

Dating tumakbong Councilor ng Maynila si Castro noong 2016 ngunit hindi pinalad na manalo.

Ngunit tumakbo siyang  barangay chairperson noong nakaraang Barangay at SK elections at nanalo.

Ayon kay Eleazar, si Castro ang binabagsakan ng droga ng Ninja Cops upang muling maibenta.

“In the case of the Drug Queen, who is an open secret when we arrested her first cousin na si permentera April of this year pati na din ang asawa nya na si ivy rose na naconvict na, e talagang siya ang itinuturo kaya sa ngayon ay banggitin natin siya Guia Gomez Castro”. ani NCRPO Director, Police Major General Guillermo Eleazar .

Ayon kay Eleazar hindi umano nakapanumpa sa posisyon si Castro dahil umalis ito ng bansa bunsod ng matinding kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Bumalik umano ito ng Pilipinas sakay ng Philippine Airlines Flight 119 noong September 18, 2019 mula Vancouver, Canada. Subalit noong September  21, 2019 ay nagtungo ito ng Bangkok Thailand.

Kaya naman, hamon ni Eleazar kay Castro, bumalik ito ng bansa at harapin ang alegasyon laban sa kanya.

Ayon kay Eleazar sa ngayon ay ang unang kagawad ng barangay 484 na si Antonio Calma ang tumatayong chairperson sa lugar.

Samantala  sa diagram ng NCRPO, 16 na Ninja Cops ang konektado umano sa Drug Queen subalit wala na ang mga ito sa serbisyo.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , ,